Ang Walang Kamatayang Lola
Isang Dakilang Pamana
Sinung hindi nakakakilala kay Lola Basyang? Isang character na ginawa ni Severino Reyes, Ama ng Sarsuelang Tagalog at kilalang Mandudula. Unang binuhay ang karakter ni Lola Basyang sa Liwayway Magazine noong Mayo 22, 1925, sa unang kwentong "Ang Plawtin ni Pereking" at nagpatuloy hanggang 1942. Umabot nang halos limandaang kwento, sa aking teyorya, marahil kung hindi sumiklab ang ikalawang gerang pandaigdigan siguro ay mas tatagal at marahil umabot ang bilang ng kwento hanggang isang libo.
Ayon sa librong "Mga Kwento ni Lola Basyang" na pinublish ng Tahanan Books, ang insperasyon ni Lola Basyang ay mula nang minsang mainbita si Severino at kanyang anak na si Pedrito sa tahanan ng mga Zamora sa Quiapo, Maynila upang maghapunan, at matapos kumain ay nakita nya si Gervecia Guzman Zamora o Lola Basyang na tinitipon ang kanyang mga apo upang kwentuhan, uupo ito sa tumba-tumba at gagawa ng nganga at ngunguyain ito habang nagkukwento. At napagalaman ni Severino o Don Binoy na gabi-gabi itong ginagawa ng maglolola.
Kilala ko lang dati si Lola Basyang bilang isang Lola Basyang, isang lolang nagkukwento habang nakaupo sa kanyang tumba-tumba bukod dun wala na. Hindi ko kilala si Don Binoy, wala akong alam ni isang kwentong ginawa nya at marahil kung nakabasa na ako dati ng mga alamat ng iba pa nyang kwento, hindi ko alam kung gaano kalaki ang importansya nito hindi lang isang simpleng kwentong pambata kung hindi halaga bilang isang literatura.
Buti na lang talaga naligaw ako sa booth ng Tahanan Books noong nakaraan Manila International Book Fair, nagpublish sila ang dalawang librong antolohiya ng mga kwento ni Lola Basyang sa orihinal nitong lenggwahe at muling binuksan ang pinto ang mundo ng mga alamat, kababalaghan, mahika at mga kaharian.
Kada libro ay naglalaman ng labing dalawang kwento, mga piling kwento mula sa halos limang daang likha ni Don Binoy. Sa ngayon, nasa volume 2 palang ang serye ng libro sana ay may kasunod pa ito.
Madali at nakakaaliw basahin ang libro medyo may kalaliman lang ang ilang mga katagang ginamit sa mga kwento. Sa unang libro palang marami na akong naging paboritong kwento,
"Lokohan sa Langit" isang kwento kung papaano kanapasok ang isang doktor at abugado sa Langit na ayon kay San Pedro ay hindi nila kailangan roon dahil walang nagkakasakit at walang kaguluhan para kailanganin ang isang abugado.
"Ang Walong Bulag" ang pakikipagsapalaran ng walong bulag sa buhay, nakakatuwa ito, ito ang paborito ko sa volume 1 ng antolohiya. Hindi ko na sasabihin pa kung bakit, kailangan mong basahin para malaman kung bakit.
"Pedrong Walang Takot" isang napakalaking kabalbalan ng ginawa ng mga magulang ni Pedro pero hindi iyon naging hadlang sa kanyang pakikipagsapalakan at sa kanyang walang hanggang tapang. Nakakatuwa rin ang kwentong ito, dito pipilitin ni Pedrong pahigain ang patay dahil ito ay biglang bumangon ika nya patay ka na dapat ay humiga na lang sa iyong kabaong. Haha!
"Ang Mahiwagang Kuba" Titulo palang tila nakakatuwa na, pero bukod dun, may kakaibang anyaya ang kwentong ito.
"Mariang Makiling" Ang kwento ng diwata ng bundok ng Makiling sa Laguna. Kung papaano naligaw sa mundo ni Maria ang isang taga lupa o tao.
Sa volume 2 ng libro, narito ang mga naging paborito ko at mga nagustuhan kong kwento.
"Ang Plawtin ni Pereking" ito ang unang kwento ni Lola Basyang at pakikipagsapalaran ni Pereking para iligtas ang kanyang mga gahamang kapatid.
"Ang Sula ng Sawa" kwento ng isang lalaking may kakambal na ahas, ayon rin sa ating kwento o mito may dala itong swerte at kamalasan, pero ibang kaswertehan at pakikipagsapalaran ang laman ng kwento.
"Prinsipeng Mapaghanap" paano nga ba umibig?Isang prinsipeng pala pintas na naghahanap ng kanyang mapapangasawa. Isang kwento sa paghahanap ng isang pagibig na nauwi sa ulirang pagibig.
"Binibining Tumalo sa Hari" may pagkafeminista pala si Lola Basyang, sa kwentong ito, pinapakita ang kakayahan ng isang babae na hindi dapat nagpapatalo kahit pa sa isang hari.
"Ang Tatlong Nagpaligsahan" kahawig nito ang "Lokohan sa Langit" ay elemento ng panlilinlang pero magandang kwento.
Maganda lahat ng kwentong nasa libro, piling-pili ito at walang tapon. Noong una ko nga itong binasa, naghahanap ako ng magandang aral sa kwetong, mga moral lesson pero wala agad akong nakita bagkus iba ang nakita ko, ang kagandahan ng likha ni Don Binoy, ang pagbubukas muli ang aking imahinasyon at pagpapaalala sa akin ng mga bagay na nalimot ko nang ako ay magkagulang na.
Salamat na lang talaga ay meron tayong Walang Kamatayan Lola.