Lunes, Pebrero 18, 2013

I wanna be a Tutubing Karayom

Isang Rebyu ng Tutubi, Tutubi, 'Wag Kang Magpapahuli sa Mamang Salbahe.

"Tutubi, tutubi 'wag kang magpapahuli sa batang mapanghe", yan ang chant sa mga batang nanghuhuli ng tutubi. Unuulit-ulit sabihin para mapikon ka at tuluyan mo nang itigil ang pangangaso mo sa mga munting tutubi. Sa totoong buhay hindi ako marunong manghuli nito, lalo na yung tutubing kalabaw na mas higit na malaki at kulay kahel ang buong katawan. Ang tanging kaya ko lamang hulihin ay yung Karayom na maliliit at ibat-iba ang kulay.

Akala ko rin noon, nung una kong makita ang pabalat ng librong ito ay tungkol rin ito sa panghuhuli ng tutubi. Ang layo ng hula ko.

Ito pala ay isang nobela na tinangkang isalaysay ni JCR(Jun Cruz Reyes) ang mga karanasan ng mga estudyante ng Pisay sa mga unang araw ng Batas Militar. Ito daw ay panahon na hindi mo pwedeng sabihin ng deretso ang nasa isip, maraming pinagbabawal ang bagong lipunan sa ilalim ng batas na ito. Hindi ako naging bata ng Batas Militar, pero interesado talaga ako sa nakaraan, sa mga nangyari noon.

Ang kwento ay umiikot sa isang grupo ng magkakaibigan na pare-parehas hayskul at nagaaral sa Pisay. Iskolar ng bayan. At ang pakikipagpatintero nila sa kapalaran. Ayon kay JCR, pangtangka raw nitong isulat ang mga bagay na hindi pwedeng sabihin ng deretso, satire daw. Sa titulo, ang Tutubi ay ang mga estudyante ang Mamang Salbahe naman ay ang Metrocom, na nanghuhuli ng aktibista o kahit na sinung mapaghinalaan nito.

Nakakatawa ang kwento, sa simula palang ay uumpisahan na ng kalokohan, isang kalokohan na pagbibigay ng mga pangalang ni hindi mo kilala. Pero may kwento rin ng pagibig, kalaboso at gutom. Iba ang mamamaraan ni JCR sa pagsusulat, mas nananaig ang pangungusap ng kanyang konsyensya kaysa sa sasabihin ng karakter, pero ayus lang 1st person naman ang punto de vista ng kwento. Yun nga lang kung madali kang mainip, hindi mo ito matitripan.

Sa mga unang bahagi ng nobela, isasalaysay nya ang mga karanasan nya sa hayskul at ang kanyang mga guro, kasama rito ang kwentong pag-ibig nya at mga kalokohan nilang magtropa. Interesante ang mga karakter sa libro, nandyan si Minyong na mula sa isang tribo na pinasok sa Pisay, si Sir Kabayan na guro nila pero hindi lumabas ni isang beses sa mga senaryo sa librong, lagi lang siyang binabanggit, si Joey ang kaibigan nilang middle-class, si Lib ang artista sa tropa nila at si Kulas.

Sa pagbabasa nito, naalala kong bigla ang pelikula ni Sir Solito na Pisay at ang nobela ni L. Bautista na sa kaparehong panahon nangyari. Nasiyahan ako sa pagbabasa nito, isang magandang nobela na minumulat tayo sa nakaraan, sa mga pangyayari lagpas bago pa sa ating mga kapanganakan, ipinapakita nito kung paano at anung ang nangyari sa kanila noon at pinapaalala nang hindi tayo makalimot.


Kalaunan, may nalaman akong teknik para makahuli ng tutubi, madali lang pala. Lagyan mo ng toothpaste ang dulo ng isang tingting at idikit ito sa pakpak ng tutubi. Hehe.