Biyernes, Oktubre 12, 2012
Tukador
Ito ang itsura ng mga libro sa kwarto. Magulo, halu-halo at kung anu-ano ang nakapatong at nakasalansang. Isang kategorya lang ang malinaw, ang lahat ng libro sa ikalawang palapag nito ay Literaturang Pilipino. Doon nakalagay ang Rosales Saga ko, lahat ng akda ni Ka Amado, mga student edition na libro ng UP Press at mga akda ni Lualhati Bautista at iba pang libro ng manunulat na Pilipino mula kay Edith at Edilberto Tiempo hanggang kay Bob Ong.
Hindi ko maalala kung kailan ako nagsimulang nahilig sa Literaturang Pinoy, ang naalala ko lang nung mga panahong nasa kolehiyo ako, ginusto kong mas makilala ang aking sarili at higit sa lahat ang aking bayan. Doon ko natagpuan ang libro, sila ang silong at kubkuban ko at hindi ako nabigo.
Sa kwarto namin ng mga kapatid ko mga libro ang naghahari kahit ako lang sa pamilya namin ang nagbabasa ng mga ito. Iba't iba ang hilig namin. Ang gitara sa larawan ay sa kapatid ko, wala siyang hilig sa pagbabasa mas hilig nya ang musika.
Hindi ko rin namalayan na marami na pala akong libro sa kwarto, hindi ko na rin namalayan na hindi na ako makasabay sa dami nila. Mas madali ang bumili ng bumili ng libro kesa magbasa. Mabilis ako sa pagbili pero mabagal sa pagbabasa. Kung ituturing mga nasa kalahati palang ng mga Phil-Lit na libro ko ang aking nababasa. Ang mga klasikong ingles, pilosopiya, kontemporaryong ingles atbp. nalibro na nasa tukador ay nagaabang para sila'y basahin o buklatin man lang.
Magulo ang tukador ng mga libro ko, labu-labo. Mas marami ang walang plastic cover sa meron. Minsan ko lang kasing mapagtripan ang plastic cover. Minsan bumili ako ng plastic adhesive para balutan ang mga lumang libro na nabili ko ng segunda mano. Mas mura kasi, hindi ako bumibili nga libro sa anyo nila. Kung bago o segunda mano, wala akong paki, mas mahalaga sa akin ang kanilang nilalaman. At masaya rin ako sa pakiwari na hindi lang ako ang nakapagbasa ang librong tangan ko, dahil binili ko ito mula sa dati nyang amo at hindi sa bookstore.
May trabaho na ako ngayon, bagama't part-time lang, nagawa ko namang bumili ng isang tukador na mas mainam at maisasaayos ang kalagayan nila. Eto na sila ngayon. Phil-Lit pa rin ang hari sa bago kong tukador, dalawa sa palapag nito ay para lamang sa kanila.
Pero medyo luma na itong larawan na ito, bigla kasing nagdaan ang Manila Intl. Book Fair, at nadagdagan sila.
-Ayban
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento